Ang buong mundo ngayon ay nagdiriwang at nagbibigay-pugay sa bawat ama ng tahanan. Kanina sa church, hinilingan akong magbigay ng maikling mensahe para sa aking ama. Nais kong ibahagi ito sa inyo...
Sa aking minamahal na Ama:
Daddy, Papa, Amang, Tatang. Yan ang pangkaraniwang tawag sa bawat ama ng tahanan. Ngunit para sa akin, nakagisnan ko ng tawagin ka ng 'Dy. Haligi ng tahanan, matatag at matibay tulad ng isang pader, laging masasandigan.
Kailanma'y di ka nagkulang sa pagbibigay ng suporta, pinansyal man o moral. Kapag kailangan ko ng pera para sa tuition, baon at pambayad ng project, isang hingi ko lang, lagi kang may nakalaan. Kapag ako'y nadapa, lagi kang nakaalalay upang makatayo akong muli.
Pero kung minsan nagdaramdam ako sa iyo. Madalas mo akong pagalitan. Nguni't ngayo'y nauunawaan ko kung bakit ka nagagalit sa akin. Nagagalit ka dahil ayaw mo akong magkamali at danasin ang hirap na minsan mo nang dinanas. Ako'y tinutuwid mo lamang sa aking landas.
Noong ako'y bata pa at maging hanggang ngayon, ako'y iyong inaaruga, kaya pangako ko sa iyong aalagaan ka sa iyong pagtanda.
Lagi kong dinadalangin sa Panginoon na pagkalooban ka ng mahabang buhay, at ng kalakasan sa bawat araw. Dahil nais kong iparanas sa iyo ang buhay na masaganang naipagkait sa iyo, dahil inuna mo ang aking mga pangangailangan.
Maraming salamat, dahil ikaw ang modelo ko kung paanong mabuhay sa mundong ito. Maraming salamat, sa bawat umagang wala kang sawa na ako'y gisingin at papasukin sa eskwela. Maraming salamat sa paghahatid at pagsusundo mo sa akin kapag ako ay papasok sa opisina. Maraming salamat, dahil ikaw ang nagturo sa akin ng kasipagan at kung paanong mabuhay ng tama sa mundong ito.
'Dy, nais kong malaman mong "Idol Kita!". Nagpapasalamat ako dahil ikaw ang aking ama. Para sa akin, You are the best Father.
I love you, 'Dy! mwuah! :)
Kalendaryong Malupit
9 years ago
0 comments:
Post a Comment